NEW NORMAL (NA BUDGET): PAANO PAGKAKASYAHIN ANG BUDGET KAPAG NAGIGIPIT?

NEW NORMAL (NA BUDGET): PAANO PAGKAKASYAHIN ANG BUDGET KAPAG NAGIGIPIT?

Isa sa mga natamaan ng COVID-19 ay ang ating kabuhayan. Mapa-trabaho man o negosyo ay natigil o nabawasan. May mga nawalan ng hanap-buhay at mayroon namang natanggalan na ng trabaho.

Dahil dito, isang malaking challenge ang pagkasyahin ang budget sa pang-araw-araw na pangangailangan. Narito ang ilang tips para tulungan kang i-manage nang maayos ang iyong budget at mabawasan ang iyong pangamba.

 

BAWASAN ANG KONSUMO SA KURYENTE, TUBIG

Isa sa mga importanteng tignan kapag nagbu-budget ay ang pagtitipid sa konsumo sa kuryente, tubig at LPG.

Ugaliing nakapatay ang gripo ng tubig kapag hindi ginagamit gaya ng sa pagbabanlaw sa paligo o sa paghugas ng pinggan. Kapag lilipat ng kwarto sa bahay, siguraduhing nakapatay ang ilaw, electric fan at iba pang appliances; hugutin din ang mga ito sa saksakan kapag hindi ginagamit.

Sa mga maliliit na paraan ng pagkonserba sa kuryente, tubig at LPG ay magiging malaking tulong na rin sa pagbabawas ng buwanang bayarin.

 

UMIWAS SA NON-ESSENTIAL NA PANGGASTA

Isa sa mga kinawiwilihan ngayon ng mga stay-at-home ang online shopping. Subalit, isa ito sa mga malakas makakain ng budget lalo na’t hindi natin napapansin sa patingi-tingi na pamimili. Bago mapa-”Mine, Mine”, isipin muna kung talaga bang kailangan ang inyong bibilhin. Maigi rin na bawas-bawasan ang pag-order ng pagkain sa labas.

PLANUHING MABUTI ANG BIBILHIN SA GROCERY AT PALENGKE

Isa sa mga epektibong paraan ng pagtitipid sa budget ay ang pagluluto ng sariling pagkain dahil kontrolado mo ang mga sangkap na kakailanganin sa mga lutuin.

Planuhin ang iyong mga lutuin para sa linggo o buwan, depende kung gaano ka kadalas mamalengke. At bago pumunta sa supermarket o palengke, gumawa ng listahan ng mga sangkap na kailangan mo para sa iyong meal plan.

Kapag gagawa ng shopping list, siguraduhing maglista ng mga “pantry staples” o yung mga murang sangkap na pwedeng gamitin sa iba’t ibang luto o matagal ang shelf life gaya ng itlog, canned goods, noodles o pancit at broth cubes.
Iwasan din ang mag-hoard o mag-imbak ng masyadong maraming pagkain. Marahil masmatipid man bumili ng maramihan, masmalaki ang posibilidad na mamulok lamang ang mga pinamili kaya’t masmaigi na ang bumili ng sakto lang sa pang-araw-araw na pangangailangan.

 

GUMAWA NG “EMERGENCY FUND”

Habang meron pang pinagkakakitaan, maganda na magtabi ng kaunti kada buwan para sa isang “emergency fund” na pwedeng gamitin ng iyong pamilya sa mga panahon ng emergency o matinding pangangailangan. Ang pera na hindi ginagastos sa pamamasyal o pag-order ng pagkain ay pwedeng ilagay dito.

 

HUMANAP NG MGA RAKET ONLINE

Sa panahon ngayon, importante ang pagiging maparaan. At isa sa mga makakatulong sa bayarin ay ang paghahanap ng online jobs. Kung may full-time ka na trabaho, maghanap ng part-time o freelance na raket gaya ng pag-tutor, pagsagot ng survey, pagsusulat at pagiging virtual assistant.

Isa ring paraan para kumita ay ang pagsimula ng online business. Gamitin ang iyong mga hobby tulad ng pagluto o pananahi upang kumita ng kaunting pandagdag sa iyong buwanang kita.

Isang malaking pagsubok ang hinaharap ng bawat Pilipino sa New Normal. Ngunit bilang Pilipino, tayo ay maparaan at pursigido at may kakayahan tayong malagpasan ang anumang pagsubok na ating harapin. Nawa’y ang mga tips na aming binigay ay makatulong upang mas-mapagkasya mo ang iyong pera sa pang-araw-araw.

Regular na puntahan ang aming blog para sa mga tips sa pagtitipid, sa negosyo at iba pang kapaki-pakinabang na payo.

Leave a reply